huling araw ng Marso

natutuwa ako ngayong araw na ito. hindi siya nagsimulang masaya, dahil sa sobra kong kapraningan kung papayagan ba ako ni millet mag ojt.

dumapo tuloy sa utak ko kung bakit hindi ganoong kataas ang mga pangarap ko. masarap mangarap, at oo, libre ang mangarap, pero bakit ko iisipin ang bagay na hindi ko pa kayang gawin? nauna nanaman ang pagiging defensive ko.
nung binibilang ni millet ang subjects ko, naisip ko kung bakit ngayon ay meron na akong pangarap makapagtapos. parang mas madali noong mga panahong ginagawa ko lang ang kailangan kong gawin. tinatapos ang mga bagay na dapat kong tapusin. sa gitna ng lahat ng aking mga ginawa, nabuo ang pangarap – ang mithiin – ko na makapagtapos na.

now na.

marahil ay dahil pagod narin ako. hindi pagod mabuhay, datapwa’t nabuhay sa akin ang muling mangarap AT ang kaalamang ang pangarap ko ay abot tanaw ko na.

pagkatapos ko siyang kulitin ng humigit-kumulang 3 oras, paulit-ulit na pagtuos ng aking mga nakuha na leksyon, bumigay narin ang Bataan: makakapag-ojt na ako.

para akong nabunutan ng tinik. dali-dali akong nagtext kung kani-kanino para lang sabihin na pwede na ako mag-ojt.

sa mga nakatapos ng matino, marahil hindi niyo maiintindihan ang galak na nararamdaman ko ngayon. pero pagkatapos ng halos 8 taon sa kolehiyo, e iba narin ang pakiramdam ng makakapagtapos na ako.

kinakabahan ako na natatakot na napupukaw ang aking mga saloobin. kinakabahan dahil bago ang pinapasok ko at marahil hindi ko alam ang aking gagawin, napupukaw dahil rin bago ito sa akin, at dahil hindi ko alam ang gagawin ko, ay may matututunan akong bago, at natatakot dahil may pangarap na ako.

teka, marami naman akong pangarap sa buhay. madalas nga eh yan lang ang ginagawa ko, pinaniniginipan ang mga pangarap ko. pero iba to. kasi totoo na siya. abot kamay ko na.

ayon lang. masaya lang ako sa takbo ng araw ko.

at nitong gabi, nag-usap kami ng mataimtim ni Direk. iba talaga ang powers niya. at sigurado ako, nung naka praning mode ako noong umaga e abot nanaman ang tawa niya.

bakit ko ba parating nakakalimutan ang pangako niyang di niya ako iiwan? di niya ako pababayaan?

kaya Direk, pasensha na kung paminsan-minsan, mahigpit ang kapit ko sa manibela. kakatuto ko lang magpatakbo ng buhay ko. dati ay may driver ako parati, kaya mejo konting lubak lang, e nakakalimutan kong hawak mo ang handbrake, at ikaw ang gumawa ng daan.

bago nanaman to Direk. handa nako. handa ka na ba? 🙂