El-Kyu

mahal kong bob,

ayoko na sanang umabot pa sa ganitong paraan na sa sulat ko na idadaan ang lahat ng dinadamdam ko. oo, ganito na ka lalala ang sitwasyon natin at di na kayang pag-usapan pa. ang susunod na linya ay taklesa pero – kelan nga ba tayo huling nag-usap?

matagal na panahon ko narin sinubukang intindihin ka, pagpasensyahan, lalo na’t alam kong ang supporta ko ang mas kailangan mo ngayon, at siguro naman, pareho natin masasabi na naibigay ko naman sa’yo lahat lahat ng kailangan mo. kelan ba ako nawala sa iyong tabi?

pero di ako ganon ka manhid. di rin naman ako ganoong katigas, di naman ako malukong upang di ko maramdaman to.

napakalayo mo na sa piling ko.

pasensiya na at nasusumbatan kita ng ganito, alam ko at ilang beses mo narin sinabi sa akin na sana intindihin ko ang sitwasyon mo. may balak kang patunayan sa iyong sarili at sa iyong mga magulang. pero sakim na kung sakim: paano naman ako?

mabuti pa noong puro gimik lang ang inaatupag mo. dahil alam ko, gaano man kalayo ang puntahan mo, gaano mang katagal, sa akin ka parin babalik. ngayon ay daig ko pa ang isang puta. di man lang bumabakat ang iyong katawan sa aking balat. mabuti pa sila, nababayaran. ako, dinadaan daanan mo nalang.

ang masakit pa diyan ay araw-araw kitang nakikitang iba na ang kasama mo. alam mo ba kung gaanong kalaking pasakit ang ibinibigay mo sa akin ngayon? natatandaan mo ba ang mga huling araw natin? nang ako’y bulungan mong, “walang magbabago… ikaw parin at ako.” ilang gabi bang sinangga kita mula sa lamig ng gabi? ilang beses ba kitang binigyan ng madadantayan tuwing ika’y umiiyak? binigyan ng kaginhawahan tuwing ika’y pagod? ilang araw tayong walang ginawa kung hindi tumunganga at makontento sa piling ng isa’t isa?

tila naglaho na ang mga maliligayang araw natin. ilang beses ko narin narinig ang pangako mo, “bukas, tayong dalawa lang. walang gagambala sa atin.” para akong isang batang naghihintay ng bisperas ng pasko, ngunit anong ginawa mo? wala pang dalawang oras ay bumabangon ka na. ni hindi mo na nga magawang ako’y lingunin. derederecho ka na sa iyong mga gawain.

tinanong ko narin ang mga kaibigan ko. sinabihan narin nila akong tanga, dahil tuwing kelangan mo ako ay eto naman ako, parang tuod na malugod na tatanggapin ang kakaramput na oras na ibinibigay mo sa akin. bakit hindi kita maiwan ay araw araw kong tinatanong sa sarili ko. at eto na siguro ang pinakamalapit na sagot na maibibigay ko.

dahil alam kong kailangan mo parin ako. di mo mapagkakaila. nakikita ko naman ang mga nakaw na sulyap mo sa akin tuwing magkasama kayo. nakikita ko kung pano niya mandohan ang oras mo – araw, gabi, hangga’t umaraw nanaman. malawak naman ang pagintindi ko. alam ko balang araw, magkakasama ulit tayo.

pasensha ka na kung di ko na napigilan ang aking mga sentimyento. alam mo naman ako, kahit mukhang matigas ay malambot parin ang loob ko. wala naman to. nagtatampo lang siguro ako.

pagbutihin mo ang ginagawa mo ngayon. alam mo naman na andito lang ako sa tabi mo, hinihintay ang iyong pagbalik. pero habang wala ka pa, aalalalahanin ko nalang ang mga  sandaling walang ibang nabubuhay sa ating mundo kung hindi tayong dalawa lamang. ito nalamang ang nagbibigay init sa aking mga gabi, pero di ko to ipagpapalit sa kahit ano pa man.

andito lang ako,

ang iyong kama

bob,
i will never, ever leave you. i will constantly stay at your side until the day comes that you will learn to love me too.

forever yours,
law books

Author: angparaluman

a poster girl with no poster staying on the safe side of the road less traveled.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s