don antonio to BF

dahil sa hirap ng panahon ngayon, nilalakad ko nalang mula don antonio hanggang bahay ko. lalo na kung gabi, pag wala ng tricycle, at taxi nalang ang nandoon. 50 pesos din kasi ang inaabot ko pag taxi. sa 50 pesos na yon, kaya ko na umabot ng makati at pabalik. madalas ay inaabot ako ng 20 minutos para lakarin ang haba ng don antonio hanggang bahay ko. pag nagmumuni muni naman ako, kaya pwedeng umabot ng higit kumulang sa isang oras para maka-uwi. pero ok lang yon.

sa aking paglalakad, madalas kong makuha ang mga bagay bagay na gusto kong isulat dito. minsan, sa dami ng naiisip ko, di ko na magawang maisulat kasi halo-halo ang dating.

di iba ang gabing ito.

muta
kaninang umaga, ginising kaming dalawang magkapatid ng nanay ko. siguro, mga alas-otso ng umaga yon, pati ang muta namin ay tulog pa. pareho kaming bakasyon ng kapatid ko, kaya siguro naman naiintindihan ninyong hindi kami maaga natulog. lalo na at nalululong ako sa paglalaro ng WoW.

sabi niya ay maupo kami sa salas. naku. pag pinapaupo na kami sa salas eh isa lang ang ibig sabihin non. sermon nanaman. naisip ko kung ano ang huling nagawa kong mali para di ako nabibigla ng ganito.

sinimulan kami ng pambungad na tanong na: anong balak niyo sa buhay ninyo?
napakarehetorical ng tanong na iyan para sa alas-otso ng umaga. yan ang mga tipo ng tanong na masarap sagutin habang nasa inuman kayo o nakatambay sa tabing-dagat pagkatapos magliwaliw sa dalampasigan. hindi siya tamang itanong habang ang iniisip mo palang ay kung mabaho na ang hininga mo o di kaya kung napunasan mo na ang bangil mo.

pero dahil sermon nga siya, di namin kinailangang itanong. heto na at nagsimula ang litanya ng nanay ko. mula sa aming pagkabata, sa kanyang pagkabata, kung papaanong napakadami ng pangarap niya sa amin at ni-isa ay wala pa kaming natutupad. naisingit narin siyempre ang matagal kong pag-aaral sa kolehiyo at ang trabahong inaasam ko. maya-maya ay lumipat naman siya sa problema namin sa aming ama, at ang mga pagsisisi ng aming ama ngayong patay na ang kanyang mga magulang. balik sa mga plano namin sa buhay at ang plano niya sa buhay namin.

ayoko ng isulat pa ang mga iba pang napagusapan kaninang umaga. sa totoo lang, ito ay dahil sa haba ng sermon niya ay nakatulog ako sa gitna ng sermon niya. alam kong mali, pero mali din talaga na ganito ang bungad sa paggising ko sa umaga.

gusto ko lang linawin na hindi ako galit sa nanay ko. at kahit na masakit pa ang mga sinabi niya sa akin kaninang umaga ay okay lang yon. naiintindihan ko kasi siya, kahit papano. at kahit naman magalit ako sa kanya, nanay ko parin siya, di ko siya pwedeng ibalik sa SM dahil wala akong resibo. alam ko ang takot niya na baka balang araw ay wala kaming mapuntahan dahil wala akong propesyon. at dahil ilang buwan niya narin inaayos ang kaso ng mga tiyo at tiya ko sa pamana ng lola ko, alam kong stress lang din ang dahilan kung bakit niya nasabi ang mga bagay bagay na yon.

pero.

napaisip din ako doon. di ko inasam na maging tanyag o kilala. ang gusto ko lang ay maging masaya. simple lang ang pangarap ko sa buhay. ewan ko kung bakit di ko rin pinangarap maging napakayaman. gusto ko lang ay sapat para sa magiging pamilya ko. ang importante sa akin ay sama-sama kami at mapakain sila 5 beses isang araw (para balanced meal.)

at ang pag-aabogasya? hindi ko pa talaga masagot yan. SIGURADO akong pangarap ng nanay ko na maging abogado ako, pero kung pangarap ko talaga ito? hindi ko alam. lumaki akong iyon lang ang TAMANG pangarap sa buhay ko. iyon nga lang, kinailangan kong tumanda at mangarap mag-isa, magkaroon ng sariling pag-iisip at pagkatao. masaklap nalang siguro at hindi ito ang naisip ng nanay ko.

ayokong isipin na pag hindi ako naging abogado ay hindi na matutuwa sa akin ang nanay ko. sa gitna ng lahat ng sermon niya, iniisip ko nalang at nananampalataya na ang puno’t dulo nito ay dahil sa mahal niya ako.

sa ngayon, ang pagtatapos sa kolehiyo pa lamang ang nasa-isip ko. marahil masyado ngang maikli ang pagtanaw ko sa aking hinaharap, pero hindi ibig sabihin non na hindi ako marunong mangarap. dahil eto pa lang ang pangarap na kaya kong abutin.

edi pag natapos, NEXT!

rewind, fast forward
naisip ko, nung nakaraang taon, pinoproblema ko ang jowa ko. di na kami gaanong masaya ng mga panahong ito. nakakatawa kasi lagi lang akong nasa bahay dahil ayaw niya makipagkita dahil wala daw siyang pera. at dahil hindi siya aalis ng bahay, ayoko narin umalis ng bahay. para ano pa at lalabas ako kung hindi ko lang din naman siya kasama, diba? parang papatayin ako sa lungkot ng mga panahon na yon. di narin ako nasisinagan ng araw dahil walang kamatayang dvd marathons lang ang ginagawa ko. malimit pa kami mag-usap sa telepono dahil kahit nasa bahay lang siya, may tambayan siya sa village niya. feeling ko nasa long distance relationship ako kahit na taga bicutan lang siya.

fast forward natin sa ngayon. ang galing naman talaga ni direk. ngayon, di ko lang feeling na nasa long distance relationship ako, dahil totoong nasa LDR nako ngayon. ang nakakatawa naman ngayon, di ako kinakain ng lungkot kahit malayo siya sa akin. mahawak kasi akong tao. gusto ko palaging nahahawakan ko yung mahal ko. sa akin, pag hindi kita gusto, di kita hahawakan. oras na sinampal na kita o kinurot, asahan mong close na tayo. ngayon ay kaya ko narin gawin ang mga dapat kong gawin.

at ngayon, marami na akong gagawin. ojt na ako, finally. konting tulog, puyat, gastos, yosi, kapraningan at sunugan ng kilay nalang ay gragraduate na ako. sana naman ay payagan na ako ni millet magojt.

sigurado naman ako na makakaag-ojt nako eh, nakakapraning lang kasi di ko alam kung pano ko sisimulan ang ojt ko. kung wala yung letter, di ako makakaapply, or parang ganon. basta. ang bilis kasi ng iniisip ko, di ko na maisulat.

basta, mag-oojt nako.

ang pinakamasaya dito, sa susunod na taon, mga ganitong panahon din, ay gragraduate na ako. maisusuot ko na ang toga naming mukhang kapote at ang aming beret. mukha kaming french na naka-kapote. naisip ko, pano ako makakapagayos ng buhok niyan kung maiipit ng beret? magpatahi kaya ako ng toga para naman di parang kapote yung isusuot ko?

dati napagusapan namin ni marsh, pag grumaduate na ako, rerentahan namin ang PICC, para ma-feel ko din yon. sa PICC kasi ang DLSU, kami, sa auditorium lang. pero wala na akong pakielam. kahit saan pa ako grumaduate, ok lang. pucha, pinaghirapan ko din yon noh.

invited kayong lahat sa grad party ko, siguradong ipapasara ng nanay ko ang buong BF pag nakagraduate na ako. at magpapakatay ako ng mga baboy.

hmm. mag-alaga na kaya ako ng baboy ngayon para next year.

Bonakid
may nakakatuwang talakayan na naganap kahapon habang naghahapunan ako sa bistro. may kasama akong 2 kaibigan at napagusapan ang EQ. hindi yung diaper, yung Emotional Quotient nung isang tao.

yung lalaki, ayaw maniwala sa EQ. hindi daw totoo na maaari mong masukat ang emosyon ng isang tao. black and white lang siya. either takot ka lang o hindi. ayaw mo o hindi. mahal mo o hindi. galit ka o hindi. at dahil daw maraming magkasalungat na mga pag-aaral o opinion tungkol sa EQ ay di ka raw dapat na maniwala dito. hindi mo ito matatawag na agham.

at dahil mahilig ako sa talakayan at balitaktakan (at siyempre dahil naniniwala ako sa EQ) marami akong mga puntong ibinalik sa kanya. kung naniniwala siyang ang emosyon ay hindi nasusukat, e bakit napakadming survey na may 1-5? e di sana yes or no nalang ang mga itinatanong. nagkapalitan kami ng mga salita, at bandang huli ay naramdaman ko nalang na napipikon na siya sa akin. at kung susundin ko ang sinasabi niya, pikon talaga siya. either or lang eh.

kailangan niya ng uminom ng Bonakid.

masmasantingku
hindi ko alam kung bakit malimit akong magsulat tungkol sa kanya, hindi katulad ng mga nakaraang yugto sa buhay ko, na halos araw araw ay may naisusulat ako tungkol dito.
teka, kailangang ayusin ko ang ibig kong sabihin. di ko man naisusulat ang mga pinag-uusapan namin araw-araw, pero siya ang inspirasyon ko, at masmadalas ay lumalabas ito sa mga nalilikha kong tula o mga kwento. maaaring kathang-isip lamang ang mga nalilikha ko, pero nakaukit dito ang maliliit na ala-ala o mga sulyap ng mga sandaling magkasama kami.

nagugulat ako pag naaalala kong halos isang taon ko narin siyang kilala. at hanggang ngayon ay nakakatawa parin kung paano ko siya nai-tahi sa buhay ko.

ayan na naman. wala nanaman akong masabi. kita nalang ang gilagid ko.

ipis encounter
nung malapit na ako sa gate ng bf, may tumabi sa aking ipis. as in nadaanan ko siya, tapos sumabay siya sa akin.
takot man ako sa ipis, pero naisip ko naman, ang laki-laki nung daan, bakit naman kelangan tumabi pa siya sa akin.

siguro alam niya na di ko siya maaapakan.

isang beses palang sa buhay ko ako nakakaapak ng ipis. di ko pa kayang ulitin yon, kaya tahimik nalang naming nilakbay ang pupuntahan namin. pagdating ko sa briones, dumerecho siya, at kumaliwa naman ako.

nakakagago talaga yon. sana kinausap ko na yung ipis at pinakiusapan yung mga kabaro niya na wag nang tumambay sa bahay namin.

ocampo
teka lang, malapit nako sa bahay ko.

maipost na nga ito.

Author: angparaluman

a poster girl with no poster staying on the safe side of the road less traveled.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s