parang kailan lang…

setyembre pa.

setyembre nanaman ngayon.

napakabilis ng mga nagdaang buwan, at ilang tulog, pagod at puyat nalang, mag didiwang nanaman ako ng aking kaarawan.

akalain mo yon? problema ko nalang bawat taon, na hindi pa ako sanay banggitin ang edad ko ay mag-iiba nanaman ako ng edad. katulad ngayon. feeling ko 22 palang ako, e 23 na ako. tapos heto at magiging 24 nako!! teka lang!!

dalawampu’t apat na taon na ko ngayong darating na oktubre. sa madaming bagay, masasabi kong hindi pa ako nagbabago. mahaba, tuwid at itim parin ang buhok ko. naisin ko mang magpaperm ay ayaw talaga ng buhok ko. di parin ako mahilig manuod ng horror, antukin parin ako sa mga sasakyan, ako parin ang namamayagpag na reyna ng kakornihan, hindi ko parin mapigilang mapaindak sa bawat tugtog na marinig ko, mali-mali parin ang liriko ng mga kantang naririnig ko at higit sa lahat, takot parin ako sa ipis (pero nakaapak nako once sa buhay ko). magaslaw, maingay, makulit na batang kiti-kiti parin ako sa paningin ng madaming tao.

pero kung titignan ko ang aking anino, hindi narin ako ang batang bob na katulad noon. lumiit na ang hinaharap ko. kaya nga bob nalang ang tawag sa akin. hindi narin ako mahilig sa coke regular. coke light nalang. natututo na akong gumamit ng ibang kulay katulad ng brown, gold, at green. kasalukuyan ko nga palang pinagaaralan ung kulay na tinatawag nilang “pink”, pero nararamdaman kong hindi talaga aakma sa akin. marunong narin akong magsuklay. marunong narin akong mag palda at bestida maliban sa aking high school uniform.

nung bata ako, parati akong napapagalitan ng ina ko sa tuwing tumatakbo ako. parati akong naka pajama, dahil ayaw niyang magalusan ang mga binti ko. ayaw niya akong makitang nasasaktan. ngunit pagkatapos ng 2 dekada, heto ako, nababalutan ng galos, peklat at keloid kung saan saan. ilang beses nang nadapa, nasubsob, pero sige lang, tayo parin. takbo ulit. pag nadapa nanaman, tayo lang. tapos takbo ulit.

ngunit dahil dito sa mga sugat at peklat na ito alam kong hindi ko na maibabalik ang dating bob. at hindi ko ikinahihiya ito. naging balat kalabaw ako dahil dito. at nakakatawa paring isipin dahil kahit alam kong masakit madapa, o mainit ang apoy, pagtinamaan nako ng topak ay alam kong hahawak at hahawak din ako. at bago pa man sumubsob ang mukha ko alam na ng utak kong masakit ang pag lapag ko sa burak, hindi parin magbabago ang law of gravity. babagsak at babagsak parin ako. e ano pa nga ba ang sasabihin ko kung hindi, “aray.”

dalawampu’t apat na taon. kung sa bawat minutong nabubuhay ako ay may piso ako, milyonarya na ako ngayon. at kung bibilangin ko ang bawat patak ng luha ko, o bungisngis ng naghuhumiyaw kong gilagid, kahit pati mga apo ng apo ko ay siguradong kaya ko nang paaralin.

kung makikita niyo ako ngayon ay mukha akong tanga, nakangiti ako (oo na, labas gilagid) habang nililikha ko ito. napakadami kong pinagdaanan, at napakadami dito ay bunga sa aking katangahan. naaalala ko tuloy ang mga araw na tumutulo ang uhog ko sa kakangawa sabay nguynguy ng, “ayoko ng mabuhaaaaaaaaay!!! gusto ko nang mamataaaaaaaaaaay!!!” (hmm. actually, exag na yon. pero para lang madrama ang sinusulat ko, magpanggap nalang tayong sinabi ko ang mga katagang ito) at napapailing nalang ako.

tanga ko talaga para isiping ikamamatay ko ang mga bagay na ito.

sigurado ako, nagsisimula palang ang mahaba at makulay na librong inilalathala sa akin ni Direk. nakakatakot na nakakainip na parang naiihi at natatae ako habang iniisip ang mga susunod na pangyayari. alam kong hindi ako pababayaan ni Direk at alam niya ang mga tama sa buhay ko. of course, sa katigasan ng ulo ko, alam kong minsan ay makakabig ko ang manibela, at kamot-ulo sabay iling nalang itong si Direk. pero ayos lang yon. alam kong mahal na mahal niya ako. at ako din.🙂

at kahit hindi ko pa kaarawan, sa tingin ko ay pwede ko nang yakapin ang sarili ko at sabihan ito ng “good job”. ang galing ko rin. nakatapos din ako ng 2 dekada.🙂

so kung ano man ang nahaharap para sa akin, sige lang, chief. kayang kaya at yakang yaka ko yan.🙂

bow.

Author: angparaluman

a poster girl with no poster staying on the safe side of the road less traveled.

2 thoughts on “parang kailan lang…”

  1. Kakaiba!! mapa sa salitang ingles o pilipino, malinaw na napapakita mo ang kahusayan mong magsulat at lumikha ng isang obra maestra.

    parang kailan lang ng ako’y makabasa ng isa sa mga obra ni luwalhati(tama ba ang spelling ko?) baustista. akala ko ay yun na ang huli kong tsansa para makabasa ng ganun kagandang pagsulat.

    Nagkamali pala ako. Buti na lang…..

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s